Tags

, , , , , , , , , , ,

Kunwari, ipis tayo.

Gagapang  ka sa dilim, mas gusto mo iyon kaysa sa liwanag.

Magtatago ka sa ilalim at suluk-sulok ng kung saan-saan kasi alam mong aapakan ka lang ng kung sinong makakakita sa’yo. Pero huwag maligaw ang imagination mo, ipis ka, hindi emo. Huwag ka munang mag-senti.

May pakpak ka pero hindi mo iyon gagamitin ng madalas kasi pagbibintangan ka ng iba na nagmamagandang nagfi-feeling butterfly ka.

Eto masaklap, nagpapractice ka lang lumipad, hahabulin ka ng tsinelas. Sila pa galit ‘pag hindi ka nahuli.

Ang mas masaklap , mating season pero malaki ang tendency na may mapatay sa inyo ng ka-jugjugan mo habang nagdu-do kayo. Puwedeng may nag-spray ng Baygon, o kaya naman may teacher na napagkamalang blackboard ang sahig at pader gamit ang cockroach chalk bilang panulat.

Pero pinakamasaklap pa rin sa lahat ang matsinelas kayo ng ka-partner mo habang pinapaligaya niyo ang isa’t-isa. Binaboy na nila ang inyong katawang-lupa, sila pa ang mandidiri sa krimen na ginawa nila. Maghuhugas pa sila ng kamay at magsasabon ng Safeguard para talagang walang bahid ng ebidensiya sa kamay nila. Sabi kasi sa patalastas, it kills 99.9% of germs.

Pero hindi tayo ipis. Tao tayo.

Ganunpaman, maraming tao sa mundo ang nabubuhay ng parang mga ipis. Walang matirahan, laging pinapalayas ng kung sinong mga nag-aangkin na sa kanila ang lahat ng ganito at sa kanila ang lahat ng ganiyan. Hangin na nga lang yata ang malayang nalalasap ng mga taong ito. Pero tulad ng ipis, hindi pa rin nila magamit ng malaya ang hangin para makalipad kaya inhale-exhale na lang muna sila.

Gumagapang sila sa dilim ng parang mga ipis dahil sa ganoong paraan mas nagiging katanggap-tanggap sila. Dahil may mga taong naniniwala sa kaisipan na laging may mas mataas kasi laging may mas mababa. Ang mga taong ito ay kadalasan ang mga taong nakabili lang ng Ford eh akala mo naman ginawa lahat ng kabutihan sa mundo at iyung mga tricycle lang ang afford na nag-oover-speeding sa one-way traffic na kalsada para makabalik agad sa pila dahil gustong mauwian ng masarap na ulam ang mga anak ay ang dahilan kung bakit “bulok ang Pilipinas.”

Sa sulok-sulok ng  lipunan natin madalas matagpuan ang totoong buhay dahil hindi kailanman nagpakain ng piraso mula sa totoong buhay ang telebisyon na araw-araw mong kahuntahan. Sa mga singit-singit kung saan makakakita ka ng maraming ipis pag sinubukan mong tingnan. Sa mga putahan, sa mga sugalan, sa mga “black market” kung tawagin, sa mga kalsada ng Maynila na pilit nating pinapabango sa kabila ng mga nakasusulasok at inuuod na kalagayan nito masisilip mo ang tunay na mundo. Inimbento pa natin ang WOW Philippines at gumaya naman sa “It’s more fun” campaign ng ibang bansa ang sekretarya ng turismo na nagkulang yata sa creative juice para mabawasan man lang ang galis ng Pilipinas. Aminin man natin at sa hindi, malaking porsyento ng mga turistang matapos tikman ang sarap ng Palawan at Puerto Galera, pinay of all sizes naman ang tinitira. Ang tunay na mundo ay hindi masaya, ang tunay na mundo ay hindi masarap. Kawawa naman ang mga taong nabuhay sa panig na ito ng globo at hindi man lang naranasan ang tamis ng kasinungalingan na kahit mahirap sa mundong ibabaw, bibiyayaan ka ng Diyos pagdating ng araw ng kaligtasan. Pero kung sabagay, ayos na rin iyon at least magmula pagkabata tanggap na nila ang kapalaran ng bawat tao. Mahirap umahon sa putik kung doon ka na ipinanganak at mahirap tumayo sa lupa kung buong buhay mo lumulutang ka lang sa dagat ng basura.

Maraming ipis sa mundo, madalas hindi na lang natin pinapansin sa sobrang dami nila. Kinakalabit-penge ka sa kalsada, nagsisisigaw ng “tapshap tapshap tapshap” sa jeep kapalit ng piso kada pasaherong mapapasakay, pakikitaan ka ng laman ng suso hanggang bago mag-utong  para patigasin si talong at mapagastos ka muna sa pandilig, mga nakikipagsapalaran sa mga bagay na bawal at mapanlinlang para may malamon, mga naghihithit at nag-aadik sa droga dahil doon nila naramdaman ang sarap na hinahanap nila.

Yung ibang ipis lumilipad, yung iba takot pa rin talaga. Yung mga sumusubok na malampasan ang hamon ng tsinelas at baygon, dalawa lang ang kinahantungan:

Basurahan o ang kisame.

Congrats sa mga naabot ang kisame, hindi ka abot diyan ng tsinelas. Congrats sa mga ipis na medyo naayos ang buhay, pero malungkot mang sabihin, hanggang diyan ka na lang. Sa ganitong ikot kasi ng mundo, wala naman talagang ipis na nagtatagumpay. Alam niyo naman siguro kung bakit. Ramdam nating lahat kung bakit.

Bakit nga ba naging ganito ang takbo ng buhay ng Pilipino?

Hindi naman tayo ipis, tao tayo.