Tags

, , , , , , , , ,

Nahingan ka na ba ng ice cream na kakabili mo lang paglabas mo ng Ministop?

Nakalabit ka na ba at nagulat sabay hawak ng mahigpit sa bag?

Napaikutan ka na ba ng mga batang dugyot ang hitsura habang naglalakad ka pauwi?

Nabigyan ka na ba ng sobre na may nakasulat na:

ATE, KOYA

PAMBILI LANG PO NG PAGKAEN AT DAMET.

SALAMAT PO.

Nasigawan ka na ba ng “kuripot!” dahil wala kang nilagay sa sobre na inabot sa’yo ng bata?

Ako din.

AYSUS. Sa sobrang hirap ng third world country na kinabilangan mo, aba eh nag-aanak anak na ng mga sub-types ang mga nasa uring “Pulubi”. Iba’t-iba na ang pamamaraan nila ng paghingi ng tulong at konting barya sa mga taong inaasahan nilang maaawa sa kalagayan nila. Iba’t-ibang gimik at estilo, depende sa lugar at panahon. Siguro pamilyar ka sa kanila, hindi mo lang pinagtutuunan ng pansin. Kasi, “yuck” at baka manakawan ka pa nila. Sayang naman ang Android Phone, DSLR, IPhone 4S, PSP, Apple Ipod, at kung anu-ano pang mga mamahaling stuffs mo sa beg. I mean, excush mee, how mahal kaya those thingsh! Taposh ige-get lung ng mga poor people on the streetsh? Heller?

Kaya hindi mo na lang sila papansinin kahit anong klase pang pagpapapansin ang gawin nila sa’yo. Pero eto pa  rin, so you can make iwas to them. Presenting, The Different Sub-Types of the Class Pulubi:

    1. Kalabit-Penge

    Sila iyong mga simpleng pulubi lang. Hahabulin ka sa harap ng simbahan at sasabihin “Pambili lang po ng pagkain” habang nakalahad ang mga maruruming palad sa iyong harap. Ikaw naman, mas bibilisan mo ang lakad mo dahil baka madumihan ka. Malay mo din ba kung anong sakit ang puwedeng maihawa niya sa iyo. Kadalasan, mga batang nasa gulang 7-11 taong gulang ang gumagawa nito.

    2.       Salo-Biyaya

    Ang mga batang ito ay kadalasang nagkakalabit-penge din. Pero pag tumambay na sila sa harap ng mga convenient stores tulad ng Ministop at 7/11, nagtatransform na sila bilang mga Salo-Biyaya kids. Nanghihingi sila ng kung anumang bagay ang binili mo sa convenient store na iyon. Malas mo pa kung matiyempuhan ka nilang lumalantak ng ice cream dahil awkward magpakaligaya sa pagdila sa chocolate chip at tumutulong vanilla ice cream habang may sumusunod sa’yo at nagsasabing “akin na lang iyan, huwag mo na ubusin, bili ka na lang ulit!” at pakiramdam mo nakatingin sa iyo ang buong mundo kaya ibibigay mo ang kawawang ice cream sa kawawang bata para magmukha kang mabuting tao. Pero sa loob-loob mo, sayang ang vanilla ice cream with chocolate chip ice cream na iyon. Buti na lang hindi ka bumili ng Magnum, sayang singkwenta mo. Dahil kung ginawa mo iyan, dapat nagpaload ka na lang ng 50pesos, nag-unlimited call at tinawagan ang iyong karelasyon hanggang madaling-araw.

     3. La Pietta

    La Pietta, o ang mother and child. Ito iyung mga madalas na makikita sa simbahan na mag-ina na nanghihingi ng limos sa mga dumadaan lalo na sa mga kaka-simba pa lang. Kadalasan, baby ang anak na hawak ng nanay na pulubing nasa sub-type La Pietta. Madalas din, matitiyempuhan mo na nagpapasuso ang nanay sa kanyang anak habang nanlilimos sa mga makakakita sa kanila. Lumilitaw sila sa gabi dahil mainit masyado ang mabilad sa araw sa tanghali. Pero kung mangyari man na may mga mula sa sub-type La Pietta na mag-appear sa tanghali, tatawagin silang Daing na La Pietta. Joke lang, ang korni ko.

     4. Katokista

    Kung may kotse ka,  malamang nakasagupa ka na ng mga katulad nila. Sila iyung mga naglilinis ng windshield habang mabagal ang traffic. Magaling sila sa pakikipag-patintero sa mga sasakyan at magaling makipag-taguan sa mga traffic enforcers. Sa madaling sabi, higanteng playground nila ag EDSA. Minsan, kung may pamuhunan, nagtatakatak ang mga ito. At minsan/madalas, pili ka na lang, sila iyung mga batang nakikita nating may hawak na plastik. Akala mo sa una lumalagok ng softdrinks, iyon pala sumisinghot ng rugby.

    5. Shoe-Shine

    Minsang suot mo ang iyong paboritong Havaianas(o Banana Peel) habang nakasakay ka sa patok na jeep na biyaheng Stop ‘n Shop, nagpapatugtog ng bastos na rap song ang kundoktor na nagpupumilit magpapasok pa ng pasahero sa loob ng lata ng Ligo Sardines, este jeep. May isang bata na may hawak na basahan na magpupunas sa paa ng lahat ng nakasakay at saka hihingi ng konting barya. Siya ay kabilang sa sub-type Shoe-Shine. Medyo kaunti na lang sila ngayon dahil madalas nababadtrip lang ang mga napapahiran nila ng basahan—lalo na iyong mga naka-tsinelas lang.

    6. Sobre ka Naman

    Kamag-anakan sila ng mga Shoe-Shine. Sanay na silang ma-mura ng mga driver at kundoktor ng jeep. Sanay na rin silang sumabit sa patok na sasakyan, maski pa bumabangking ang pagtakbo nito. Ang pinag-iba lang ng dalawa, nagbibigay ang Sobre ka Naman ng sobre na nanghihingi ng donasyon. Nakasulat sa likod ng sobre ang kanilang pagmamakaawa na limusan mo sila ng kaunting tulong. Mapapansin mong panget ang sulat. Pero palaisipan pa rin sa akin ang sinabi ng kaibigan ko na hawak sila ng sindikato na gumagamit sa mga pulubi para kumita. Eto iyong nakasulat sa likod ng sobre:

    ATE, KOYA

    PAMBILI LANG PO NG PAGKAEN AT DAMET.

    SALAMAT PO.

    7. PWD (Persons with Disabilities)

    Sila ang mga pulubing may kapansanan. Tila ba pinagsakluban na sila ng langit at lupa. Pero hindi. Kadalasan, sila pa ang mga taong gumagamit sa kakayahan nila sa musika kapalit ng donasyon. Madalas sila iyong mga bulag na naggigitara at may bitbit na malalakas na speaker, at kumakanta ng mga awitin ni Freddie Aguilar.

    8. Street Tenant

    Sila ‘yung parang “occupy our streets” version. Forever occupy nga lang sila. Minsan meron silang mga kariton na nilalagyan nila ng mga bubong tapos iyon na yung bahay nila. Magtataka ka kung paanong nabubuntis ang mga babaeng nagsasaing sa gilid ng kariton eh wala naman silang pambayad sa motel man lang. Nasa kariton ang kasagutan. Madalas mo silang makikita sa harap ng mga abandonandong mga establisimyento. Minsan pinapasok pa nga nila iyon at  malalaman mong andun sila dahil sa mga nakasampay na damit sa bintana.

    9. Kumare-Trip

    Mga lola sila na magkakamukha. May hawak silang tungkod at mukhang iisang tribo lang ang pinanggalingan. May mga kuwintas sila na gawa sa kahoy at mga hikaw na mukhang gawang kamay. Madalas ay galing sila sa mga kabundukan ng Cordillera Administrative Region. Palaisipan pa rin talaga kung paano sila napunta dito sa Maynila at humantong sa panlilimos gayong puwede naman silang magtanim sa pinanggalingan nila para mabuhay. Magkakakilala ang mga lola na ito at once in a while nag-uusap sila gamit ang lenggwahe na sila ang nakakaintindi. Mukha lang talagang mag-kumare na naisipang mang-trip.

    Sa patuloy na paghirap ng bansang ito, malay natin kung sumanga pa ang mga sub-types na nabanggit sa itaas.

    Nakakatawa ang pagkakalapat ng salita sa mga ideya. Pero mahirap ang kalagayan nila.

    Mahirap magising ng alam mong wala kang kakainin sa umaga. Ang almusal mo ay aabutan pa ng tanghali. At kahit buto’t-balat ka na, diet ka pa din.

    Hindi natin masisisi ang ilan sa kanila kung makagawa man sila ng mga bagay na sa tingin ng lipunang ito ay kasalanan tulad ng pagnanakaw. Nakakaawa ang mga batang para hindi magutom ay nagrarugby. Nakakaawa ang mga inang ginagamit na props ang anak para kaawaan sila.

    Ang hirap ng buhay sa Third World Country.

    About these ads