Tags

, , , ,

(naunang ma-publish sa PUP The Catalyst)

Hindi ko na kasi mapigilan ang sarili ko. Gusto ko nang tumakbo pero bawal, pakiramdam ko mas lalong kumakawala  iyong kung ano man na iniipit ko sa pagitan ng aking mga binti. Ang bigat-bigat na. Lalabas na.

Nag-uunahan ang mga paa ko sa pag-hakbang patungo sa lugar na kanina ko pa nais puntahan. Sa tuwing sumasagi sa isipan ko na malapit na, lalong bumibigat ang pakiramdam ko. Ayokong isipin na kaunting panahon na lang mararating ko na ito dahil sa tuwing gagawin ko iyon, lalo lang lumuluwag ang ipit ko sa pagnanasang ito.

Nag-uunahan ang mga paa ko sa pag-hakbang. Wala akong sinayang na oras. Ang unang pintuang mahawakan ko ay hinaltak ko pabukas.

SHIT! Kulay Nestea iyong tubig na nilulutangan ng kung anu-anong mga animo meatballs! Hindi ko rin halos masikmura iyong amoy. Nakakamanhid ng ilong ang unang langhap ng gas na nagmumula sa mga substansyang naghalu-halo na sa mala-swimmimg pool na tapunan ng sama ng loob na iyon. Wala ring sarahan ang pintuan at hindi ko alam ang dahilan. For security purposes siguro, malay natin. Masuwerte pa nga iyong kubeta na iyon dahil may pinto pa, iyong iba wala. Iyong iba naman, medyo tradisyunal ang pinto, de-buhat. Hindi nakakabit sa bisagra.

Pero hindi iyon oras ng pag-iinarte. Alam kong mas mamumroblema ako ‘pag hindi ko pa iyon inilabas agad. Umiskwat ako sa trono ng dali-dali at inilabas ang ilog ng buhay na kanina pa tinetext ni Inang Kalikasan para bumalik sa kanya. Sa wakas, gumaan din ang pakiramdam ko. Habang isinasagawa ko ang ritwal (na may sound effects pa, tunog kuliglig).

May narinig akong boses ng dalawang babaeng gusto rin sigurong umupo sa trono ng kapanatagan. Agad kong hinawakan iyong pinto at bahagyang ikinalampag bilang senyas na may tao sa loob.

Nangangawit na ako kaya bilang paglilibang sa sarili, binasa ko ang mangilan-ngilang vandal sa pinto at pader. Kasalukuyan kong binabasa iyong isang vandal na patungkol sa pag-ibig nang magsalita iyong isang babae ng isang linyang isusulat ko sa itaas ng pahinang ito. Seryoso at buong kalooban niyang winika ang mga katagang, “Sana malinis, Lord.”

Medyo natawa ako pagkasabi niya noon. Hindi ko naisip ang tungkol sa bagay na iyon bago ako pumasok dito. Ang gusto ko lang ay mairaos ang bigat na nararamdaman ko. Hindi na ako namili pa ng kubeta.

Ang hirap kasi talaga ‘pag gipit na gipit ka na sa sitwasyon. Pagtitiyagaan mo kung ano man ang meron. Hindi mo na maiisip pa ‘yung mga ‘dapat na nararapat’. Karapatan—nakalimutan ko, meron nga pala akong karapatan sa pagganit ng malinis na kubeta.

“Sana malinis, Lord…” Narinig kong bumukas ang isa sa mga pinto. Marahil ay nakahanap siya ng malinis-linis na trono. Ayos.

Hanggang sa paglabas ko ay patuloy ang pagtugtog ng boses ni ate sa utak ko. Parang LSS, kaso hindi kanta. Naalala ko tuloy ‘yung isang note sa Facebook na nabasa ko na may patungkol sa mga C.R. ng unibersidad kong ito. Ang sabi, “Pag may estudyanteng hinihimatay dahil sa init sa loob ng silid-aralan, hindi siya dinadala sa klinika. Sa kubeta siya isinusugod dahil magigising daw maski ang naka-ICU dahil sa sobrang nakakasulasok na amoy dito.”

Ito yung mga simpleng bagay pero mga malilinaw na manipestasyon ng kalunus-lunos na kalagayan nating mga mag-aaral. Tapos may budget cut pa. Paano mo pagkakasyahin ang isang bagay na hindi sapat? Ang karapatan ko sa isang malinis na kubeta ay nalabag, at araw-araw, libo-libong estudyante sa paaralan ko ang nalalabagan ng parehong karapatan.

“Sana malinis, Lord…”

Kung napagtutuunan lang sana nila ng pansin ang edukasyon, wala nang mga estudyanteng magtitiis sa ganitong mga uri ng pasilidad. PERO HINDI. Sing-dumi ng gobyerno sa Pilipinas ang kubetaNg iyon o higit pa. Isa ka bas a mga umaasang magbabago pa ang ganitong sistema?

“Sana malinis, Lord…”