Tags

, , , , , , ,

 

Kagabi, habang badtrip ako sa pinagsamang kakurakutan ng Globe at Smart, may nakakaiyak na bagay akong nakita sa gilid ko. At promise, hindi ito sibuyas. It’s more than that.

Walang signal ang globe sa Silangan, San Mateo. Sayang ang unlimited call ko. Kailangan ko pang magpunta sa daanan ng mga jeep na galing Cubao para lang magkabuhay ang network bar ng bwisit kong telepono. Kabaligtaran naman ng Smart na kahit nasa ilalim ka ng lupa, may bar ang network service maski papaano. Ang malaking kaso nga lang, patatapusin ka muna niya ng isang buong lifetime bago ka makakontak sa tinatawagan mo. Kung pinag-usapan iyong gawin ng dalawang kumpanya na ito para malito ang mga consumer at maiwasan ang “unhealthy competition” sa kani-kanilang negosyo, aba ewan ko. Basta ang alam ko, malaki na utang ng mga higanteng kumpanya na ‘to sa sambayanang pilipino.

Kailangan kong makatawag. Magpapatulong ako sa isang kakilala para sa isang “raket.” No choice, kahit madilim at may history na ng mga na-holdap sa lugar na iyon, sugod pa din. Bahala na si Batman. Sigaw kung sigaw. Takbo kung takbo. Mag-aalas dose na kasi. Pero kailangan ko talagang makatawag.

Nang marating ko ang gilid ng kalsada, laking-tuwa ko nang makita na hindi pala ako nag-iisa sa lugar na iyon. Merong mag-lolo na nakaupo sa gutter sa ilalim ng puno ng mangga. Nasa harap sila ng lumang pagawaan ng yema na hindi na yata nag-ooperate kasi hindi na amoy-gatas pag nadadaanan ko. Lalaki yung bata. Siguro 11 years old na siya. Sakto lang ang laki ng katawan, mukhang nagbibinata, yung mga tipo na malapit nang magpatuli. Nakaupo lang sila ng lolo niya, nakayuko yung bata, nakahiga yung ulo sa mga tuhod niya. Wala pa ring signal sa kinatatayuan ko kaya medyo lumapit pa ako sa gilid ng kalsada. Tamang-tama lang para marinig ko yung pinag-uusapan nung dalawa.

Natigilan ako nung maintindihan ko kung bakit alas-dose na eh andun pa rin sila. Hindi naman sila mukhang naghahagilap lang ng signal o nag-aabang ng jeep kasi naka-ilang daan na ang mga patok na jeep galing Cubao eh hindi naman sila sumasakay. Iyon pala, pinipilit ng lolo yung bata na sumama na sa kanya pauwi ng bahay.

Tinanong ako ng lolo, “Neng anong oras na sa iyo?”

Sumagot ako ng “11:45 po,” na nagkukunwari na wala akong pakialam sa kanila pero sa kaibuturan ng aking lamang-loob, natutuwa ako na makakilala ng katulad niya. Nami-miss ko tuloy ang mahal kong lolo.

Nagpasalamat siya at bumaling na uli sa apo niya. Umiiyak pala yung apo niya. Sabi ng lolo “Oh, mag-aalas dose na. Nagugutom na ang lolo.” Ibig sabihin, hindi pa rin siya kumakain.

Medyo humina ang boses nila, pero nakarinig ako ng mga content words na sapat para maintindihan ko kung ano kinakatakot ng bata sa pag-uwi. Hindi yata ga-graduate yung bata sa elementary kasi may bagsak. Magagalit yung magulang niya sa kanya. Ayaw niyang umuwi kasi nalaman na ng magulang. Kaya ayun, yung lolo ang sumusuyo sa apo kasi galit yung magulang niya sa kanya.

Walang naging problema sa’kin tatay ko nung elementary. Takot ko lang na isako niya ko ng buhay. Kaya siguro nawalan ako ng control pagkamatay niya. Ngayong kolehiyo ako nadadapa kung kelan tumanda. Mas mahirap pa naman bumangon ng mas mabigat ang katawan. Kaya ayos lang iyon sa tingin ko na habang bata, magbasag ka na ng mga pinggan na hindi mo na kayang hawakan. Pwera na lang kung sperm ng octopus naka-buo sa’yo, pero mukha namang walang ganun.

Masaya ang may magulang na umaaalalay, pero maswerte ang batang may lolo at lola na nandiyan para gumabay. Ayun lang.

Malapit na pala birthday ng aking Lola Carmelita Cabiong Cayanan. Mahal ko siya. Mahalin natin sila lolo at lola. Dahil kung wala sila, wala ang nanay at tatay natin. At kung wala tayong magulang, walang gagawa ng mga itlog para bumuo ng “ako” at “ikaw”. Gets mo na yun! Apir!

Birthday ng Lolo ko, tapos this week, si Lola naman.🙂