Tags

, , , , , , , , , , , , , ,

(o ang alamat kung paano nanira ng buhay at bahay ang Lopez at ang Gobyerno)

Hindi na bago ang kaliwa’t-kanang gibaan ng bahay sa Metro Manila para pagtayuan ng kung anu-anong profit-generating project ng gobyerno. Madalas pa nga, appetizer sa hapagkainan ang ganitong mga balita na napapanood sa telebisyon habang naghahapunan. Habang nage-air ang video ng batuhan at habulan ng mga demolishing team at mga residente, nakatutok lang sa telebisyon ang buong mag-anak at tumitigil ang lahat sa pagsubo at pagnguya. Yung ibang multi-tasker sa kainan, kayang pagsabayin ang panonood, pagkomento, pagnguya, pagsubo, at paglunok. Pero higit sa kung anupaman ang katotohanan na lahat ng nakakapanood, nagngitngit sa bawat tuklap ng yero, tibag ng semento, at buhay na nasisira ng pangyayaring kanilang nasasaksihan.

Nakatira ako sa bahay ng kapatid ng nanay ko sa West Kamias. At dahil nasa tabi ito ng creek, binigyan sila ng notice for demolition ng barangay hall. Si “kapitana” kung tawagin ang punong-barangay ng lugar na ito. Yung pamilya talaga ng napangasawa ng tita ko ang taga-dito. Dalawang dekada na halos nakatira dito yung pamilya ng asawa niya. Nasa 100 o higit pang pamilya ang mawawalan ng tirahan sa katapusan ng Marso. Pinangakuan naman sila ng pabahay sa Katarungan, Montalban ng National Housing Authority.

Kung naaalala niyo pa ay nagpa-“Run for the Ilog Pasig” ang ABS-CBN sa ilalim ng Lopez group. Nung first year kami, nagpa-orientation ang NSTP(CWTS) ng PUP, at san ka pa, required. Kami naman si first year na fresh from higschool, sugod sa Bulwagang Balagtas. Anong konek? Kasi si Gina Lopez ng ABS-CBN ang panauhing pandangal ng orientation. ‘Yung unang speaker, mukhang hirap magtagalog. DJ daw ng ABS-CBN. Hindi siya sikat, pero dahil guwapo siya, nganga ang audience. Hindi ko alam kung alam niya ang mga pinagsasabi niya, malay ko din ba kung bitbit lang talaga siya ni Gina para maging mascot ng parada ng pamilya niya. Ganun naman kasi ang kultura diba? Basta makinis ang mukha mo at once in a blue moon magka-tighiyawat, maputi ang ngipin at walang sungki, matangkad at may abs, kapani-paniwala kang tao. Pero kung mukha kang hindi naliligo at mukha kang walang pambili ng Rexona, pakialam ba sa’yo ng mundo?

May powerpoint presentation na ipanapaliwanag yung kuya sa stage. Tungkol sa kalunos-lunos na kalagayan ng ilog pasig na hindi na niya kailangang palawigin pa kasi katabi lang ng PUP ang ilog. Kumbaga, hindi lang namin ramdam, amoy pa namin. Minsan nga ‘pag humahangin, magbibintangan kayo ng ka-date mo sa linear park kung sino umutot. Halimuyak lang pala ni Mother Pasig. Pagkatapos ng pampagana, main course na. Si Gina Lopez na nakabenda ang paa at nakasaklay. Natawa pa nga ang lahat nang may magtanong kung tatakbo din daw ba siya sa Run for the Ilog Pasig. May mga binanggit siya na mga proyekto ng mga architect na foreigners na “makakatulong” raw sa pagrerevive ng Pasig. May isa pa nga siyang slide na ipinakita na mukhang Venice ang pasig. Nung umabot na siya sa mga slide na may before and after na hitsura ng Pasig, mapapansin mong sa “Before”, ay maraming bahay sa gilid ng Pasig, samantalang sa “After” nito,  wala nang mga bahay. Puro bulaklak na lang. Sabi nga sa 9Gag, I know what you did there. *insert meme face here*

Ang ending ng speech ni Gina, magpapa-Run for the Ilog Pasig sila, o yung 10-10-10 na tinatawag. Naulit pa nga iyon nung November 11, 2011, o 11-11-11. Pero para kanino ba talaga iyon?

At dahil nga ang proyekto ng Lopez group para sa Ilog Pasig ay in cooperation with the ever-cooperative Government of the Philippines dash MKMP brought to us by the Pulang Party, nagtulungan sila na “makamit” ang “paglilinis” sa mahal nating Pasig. Diyan na nabuo ang mga nagaganap at walang katapusang “estero demolition”. Aalisin ang mga barung-barong na namulaklak sa gilid ng Pasig at mga estero nito. Na-gets mo na kung anong koneksyon ng mga naunang paragraph sa isa’t-isa? Cool diba? Hindi matatawaran ang katalinuhan ng mga negosyanteng pinalayas sa China noong panahon ng Cultural Revolution sa kanila. Sana bago man lang ako mamatay, maka-high five ko sila.

Ang kinalabasan, yumaman ang supplier ng AFP ng tear gas. maraming pamilya ang nagbenta ng bakal na nakuha nila sa mga bahay nila na giniba, marami ang umuwi ng probinsya at huminto na lang sa pag-aaral, at may mangilan-ngilan na nagpunta sa mga relocation sites at nagnakawan dahil wala silang mahanap na mapagkakakitaan.

Sa paglilipatan ng West Kamias, may kwentong nagsisimula pagsapit ng alas-otso ng gabi. Nagiging aswang ang mga kapitbahay nila. Joke lang.

Gabi-gabi daw, may mga nangangatok ng pintuan. Pag walang sumagot at malaman nilang walang tao ang bahay na iyon, raransakin nila ta kukunin ang lahat ng puwede nilang mapakinabangan. Yung ibang mga taga-rito na andun na sa bahay na binigay ng NHA, nagpalagay na ng bakal na harang sa lahat ng posibleng pasukang butas ng tiktik sa gabi. Sabi ng kapitbahay namin, mga 15,000 ang magagastos kasama na ang labor. Yung mga walang pera, customer service representative ng mga magnanakaw ang kinalabasan.

Sa likod ng PUP, makikita ang oil depot ng isang kumpanya kung saan major stockholder ang Lopez group. Sa ilog itinatapon ng oil depot ang mga waste materials nila. Mas matinding lason pa nga kung tutuusin ang pinapaanod nila sa ilog kesa sa mga taong nakatira sa paligid nito. Para saan ang 10-10-10 at 11-11-11? At ngayon gusto nilang pagkakitaan ang mga dayuhan na gustong mag-invest sa paligid ng ilog? Buti na lang hindi ako tumakbo. Kasi kung tumakbo ako, nanira na ako ng bahay, nauto pa ako.