Tags

, , , , , , ,

Ang kati. Sobrang kati talaga. Parang gusto kong kayasin ng kutsilyo yung balat ko sa sobrang kati. Gusto kong gumamit ng tsani para isa-isang tuklapin yung mga butlig na nakapaligid sa mother pigsa nito. Para silang mga alien na biglang nag-landing sa aking physical territory. Oh Lord! Saan ba sila nanggaling?

Nanlalagkit pa ako sa pawis. Hinihipan ako ng maitim at kontaminadong usok ng sasakyan sa kahabaan ng Mendiola. May nagsasalita sa trak na ginawang improvised stage at nagwawagayway ng mga pulang bandila. Abala ang karamihan sa pagbibigay sa mga kasama nila ng mga baon na juice at tinapay habang nakikinig sa program ng mobile stage.

Hindi ko first time pero masakit pa rin. Sa lahat ng rally, nahihirapan akong sumabay dahil mahina ang aking mga cardiac muscles. Pahirap pa ang kaliwang paa kong naglalaway sa nana. Nakikita ko ang nagnanaknak kong paa na nangingitim dahil sa dumi. Nag-solidify na rin yung nana na tumagas mula sa mga naputok na butlig. Masakit na makati ang pakiramdam, at kinikilabutan ako sa tuwing tititigan ko ang paa ko kaya kinakalimutan ko na lang na may paa pala ako. Paminsan-minsan, gusto ko nang magpaalam sa mga kolektib ko para umuwi, pero sa tuwing maiisip ko na makukulangan sa tao, naiiwas ko ang mga mata ko sa pagtingin sa miserableng eczema na halos kasintahan ko na. Magma-monthsary na nga kami bukas.

Kahit na squishy ang talampakan ko sa nana, iniwasan kong umika-ika. Sandali na lang, bulong ko sa sarili ko. Baka matapos din itong program ng mga bandang 7pm. Bale, may dalawang oras pa ang mga bakting na magreproduce sa paa ko. Pinalala rin ng init ng araw ang aking kalunos-lunos na kalagayan ng aking paa, pwede nang sawsawan ng inihaw na bangus ang katas ng paa ko. Maalat, maasim, matamis. At infairness, mukhang chicharong bulaklak ang eczema ko. Sarap!

Alam ko kung anong nasa isip ng mga taong nakakakita sa amin. May ilan na natutuwa dahil may mga taong pinipili na problemahin ang mundo kesa problemahin ang sariling buhay. Pero nandiyan pa rin yung mga tao na mahirap paliwanagan. Mga taong iniisip na wala ka namang kinabukasan sa pagra-rally, na sinisira mo lang ang buhay mo. Hindi mo naman kasi talaga maaalis ang magkaroon ng tutong ang tinapay. Dahil kung sakto lang ang labas, malamang hilaw ang loob. Sabi nga sa kanta, magkabilaan ang mundo. Ganun lang naman kasimple ang pag-ikot ng mundo. Parang pagpapaikot lang din ng globo, magdedesisyon ka lang kung pa-kanan o pa-kaliwa yung gusto mong ikot. Ang mahirap na parte lang, yung pag-handle ng mga lilitaw na tanong. Kung ano pipiliin mo, kung paano ka pipili, at bakit ka pipili.

Tulad ng paa kong may mga alagang butlig, nangangati ang lipunan na kinabibilangan natin. At mukhang nagpapakamot siya sa’yo. Pero kaiba sa eczema na nasa paa ko, mata niya lang ang walang galis. Malas lang niya kasi ang mga nagiging pangulo ng bansang pangako na Pilipinas, matutulis ang mga kuko. Hanggang kamot lang ang kayang gawin. Walang pakialam kung magkasugat sugat ang balat ng kinakamot. Panadaliang ligaya. Habambuhay na panandaliang ligaya hanggang sa malagutan na lang ng hininga.  Sa sobrang gulo ng mga tao, sobrang daming nalalaman, nawiwindang ang mga kati-kati sa katawan ng lipunan.

Hindi lahat ng makati dapat na kinakamot. Kasi dapat ginagamot.

Pag-uwi ko lalanggasan ko na si paa. Papahiran ko ng cream para mas maginhawa.

Pero sa ngayon, dito muna ako. Magtitiis ng kirot kapalit ng ginhawa ng makating lipunan. Pasensya ka na muna, mahal kong eczema. Bawi ako bukas, monthsary naman natin.