Tags

, , , , , , , , , , , , , , , , , , , ,

Siguro kung hindi pa ako lumabas, na-rape na ako sa loob ng sinehan.

Nahirapan kami kumuha ng magandang anggulo dahil baka ma-snatch ang cellphone na gamit namin. At isa pa, baka mapag-isipan kami ng mga taga-Alta ng kung anupaman.

Kinausap ako ni Sid. 5:45pm pa ang next na showing ng “Hiram sa Ama”. Gay movie iyon na R-rated. Inaaway pa nga niya ako sa movie na iyon pero iyon lang talaga ang available. Ayaw niya sigurong makakita ng mga lawit na nag-eespadahan. Pero wala din siyang nagawa kundi pumayag sa akin para sa kewl na gagawin ko para sa project ko sa Feature Writing.  At isa pa, puro gay movies talaga ang pinapalabas doon. Magtaka kayo kung bakit, kasi ako hindi ako nagtaka kung bakit, at pinagsisisihan ko kung bakit hindi ko ginawa.Ngumuso lang yung nagbabantay sa ticket booth sa nakapaskil na schedule. Mukhang pinilas na notebook lang iyon na sinulatan ng bolpen.

Nagpalipas muna kami ng oras bago bumili ng ticket dahil 4:30pm pa lang non.  Naglakad kami sa Aurora Boulevard papuntang Gateway dahil naiihi ako. Nung malapit na kami sa Gateway, 5:35 na. Nakakainis man, bumalik na kami ng Alta Theater. Sa may Savemore kami dumaan para mas mabilis. Medyo madilim na pero hindi ako nag-isip na may mangyayaring masama. Ang expected ko pa nga na mangyayari ay manonood lang kami ng porn kasama ang masang tinuruang maging konserbatibo ng lipunan at umaasa sa mangilan-ngilang mga taga-gawa ng tutut na pelikula para sa mga “health needs” nila. Ang pinaka-wild expectation ko pa nga ay makakita kami ng mga pasimpleng hipuan at halikan sa sinehan. O kaya, mga nagba-bate. (If you know what I mean ;D)

Edi ayun na, nasa ticket booth na ulit kami. Si ate na mukhang nasa kanyang 40’s na pa din ang nakapuwesto doon.

“Dalawang Hiram sa Ama.”

Imbis na bigyan ng bantay si Sid ng ticket, tinanong niya ako kung ilang taon na ako. Take note, ako lang ang tinanong niya at hindi si Sid. Buti na lang at dala ko ang aking oldschool na first year I.D ng PUP dahil may birthday iyon sa likod. Hindi naman na ako mukhang minor. Maliit ako pero sa tingin ko naman pang-adult na ang get-up ko. Iniabot ko sa kanya ang ID ko at sinabi na year 1993 ako ipinanganak. Isinauli niya sa akin iyon pagkakita ng birthday ko at hindi pa siya nakuntento, tinanong ulit ako kung anong birthday ko. Sinagot ko naman siya in a friendly manner. Nakangiti ako. At sa main event ng blog post na ito niyo malalaman kung bakit ko napatunayan na minsan, ipapahamak ka ng sparkly whit teeth smile mo.

Natatawa ang ate. Hindi ko alam kung anong dahilan. Tiningnan niya ako sa mata at iniabot ang ticket kay Sid. Kulay pink ang ticket na may nakasulat na :Admit One. 50pesos. Samantalang 80 pesos ang naka-paskil na presyo ng ticket nila doon. Hindi na naming masyadong pinansin iyon dahil baka hindi lang talaga sila nagpapalit ng ticket simula pa nung matagal na.

Sa totoo lang, nakakaawa ang film industry sa Pinas. Seryoso, sa tuwing nakakanood ako ng mga pelikulang gawa ng ibang mga bansa, hindi ko maiwasan ang maawa sa mga Filipino artists. Bakit nananatiling atrasado tayo sa larangan ng sining? Bakit mga anak-mayaman lang kumukuha ng mga kursong film-making? Bakit mas marami ang nagkakandarapang maging mga propesyunal samantalang ang ekonomiya ng isang bansa ay nakasalalay sa produksyon ng mga manggagawa at mga magsasaka? Bakit ko tinatanong kung alam ko na ang sagot? Kasi gusto kong itanong niyo rin iyan sa mga sarili ninyo. Hindi lang dahil sa kung anu-anong prinsipyo, kahit na lang para sa pagiging tao natin. Hindi patas ang mundo. Edi gawin nating patas. Hindi masamang mangarap, kahit mag-imagine man lang gaya ni John Lennon. Parang masaya diba? Pagtapos mong managinip, gumawa ka. Pasensya na kung nasa proseso pa ako ng pananaginip sa ngayon…

Pumasok kami ng sinehan. Halatang first-timer, ang daming pasikot-sikot, hindi namin alam kung saan papasok. Umakyat muna kami sa escalator na mukhang kasing-tanda na ng Cubao. Mas malinis pa nga iyung singit singit ng kubeta namin kesa doon. Napakatahimik. Dugdug, sabi ng puso ko. Nanlalagkit na din ako sa pawis. Nang marating namin ang bilihan ng snacks na mukha lang tindahan na malapit nang malugi dahil bans at candy lang ang laman, kinausap kami ng ate na sa taas na lang daw kami dahil maraming tao sa baba. Magtaka kayo kung bakit, kasi kami hindi nagtaka kung bakit at ewan ko kung matutuwa ako dahil sa taas talaga kami pumasok.

Pag-akyat namin, oldies na Air Supply ang tugtugan. Hindi pa nagsisimula ang next na movie. Teka, bakit parang puro lalaki? Ako lang ang babae. Dugdug, sabi ng puso ko.

May mga lalaking nakahubad ang t-shirt, nagsusuklay, nagpapaypay, nakaupo, nakatayo. Mukha lang silang nasa apartment, ang iba pa nga sa kanila naka-short lang. parang normal na buhay lang nila ang pagpunta sa sinehan na iyon araw-araw. At lahat sila pasulyap-sulyap sa aming dalawa ni Sid. walang nakangiti, pokerface lahat sila. Nagyaya akong pumasok ng sinehan at tingnan ang loob. Sobrang dilim maliban sa kulay pulang dimlight na nagbibigay sa akin ng impresyon na wala ako sa sinehan kundi nasa loob ng cabaret. Naghanap kami ng mauupuan. Dugdug, sabi ng puso ko. Hindi ko binibitawan ang kamay ni Sid. Dugdug dugdug, sabi ng puso ko. May nakita akong nagsisindi ng lighter sa may kanang bahagi ng sinehan. nararamdaman ko na ang dugo sa ugat ng ulo ko, nanlalagkit na ko sa pawis, natatakot na din ako, at parang ganun din si Sid kaya nagpasya kaming lumabas muna.

Bakit kami lumabas? Kasi mukhang hindi yosi ang tinitira ng mga nasa gilid na iyon ng sinehan. At sa sobrang dilim sa loob, baka may lumapit sa amin at bigla na lang kaming gawan ng masama. Pera-pera lang iyan. Kung wala ka na talagang maipang-laman sa tiyan ng pamilya mo, magbebenta ka talaga ng kaluluwa sa demonyo. Anong pinagkaiba nun sa mga manggagawang nagtatrabaho para sa mga korporador na hudas? Eh ng mga magsasakang nagtatanim para sa mga landlord na kamag-anakan ni satanas?

Sa labas, kinausap ako ng kuya na walang pang-itaas. Nagtatanong kung anong oras na. Siyempre hindi ko inilabas cellphone ko. Sabi ko hindi ko alam.

“Puro bakla at lalaki lang ang nagpupunta dito,” sinabi niya sa akin na nakangiti.

Ngumiti din ako. At gusto ko pa siyang kausapin kung bakit ganun ang hitsura ng sinehan na iyon. Ngumiti ako. NGUMITI AKO. Nagmukha akong mahina sa harapan ng call boy na ito. At narealize ko lang iyon nung nasa labas na kami. Na dapat pala poker face lang kasi ibig sabihin nag-iinvite ka ng unknown entities sa mga ganung lugar pag ngumiti ka.

Nagsimula na ang movie. Pumasok na kami. Sa may gilid malapit sa exit kami tumayo. Yung pelikula, mukhang digicam lang ang pinangvideo. Yung quality ng pelikula, pang video sa internet. Yung jugjug sa pelikula lang talaga ang binayaran ng mga tao, kung yung sa pelikula nga ang binayaran nila.

Nagtataka ako kung bakit nagsisimula na ang pelikula eh wala pa ring umuupo. Nag-iikot lang ang mga lalaking naka-backpack. At in pairs lagi bumaba. At hindi sa pelikula nakatingin ang mga tao kundi sa paligid. At nakatingin na ang mga lalaki sa akin. Mga limang tao na ang lumipat malapit sa kinatatayuan namin. Dugdug, sabi ng puso ko. Dugdug, dugdug, dugdug, sabi ng puso ko. Kinakabahan na ako, dumadami na sila. Ayokong alisin ang mga mata ko sa mga taong lumalapit pa. “Asan na yung cutter mo?” sabi ko sa karelasyon ko. “Nasa kamay ko kanina pa,” sagot niya. Dugdug, dugdug, dugdug, dugdug, sabi ng puso ko. Akmang kakausapin na ako ng isang kuya nang niyaya ko siyang umalis na. Lakad-takbo ako sa baku-bakong exit. Magaling at hindi ako natapilok. Bumaba na kami patungong second floor, papasok dapat kami doon, matingnan man lang, pero may bumubulong sa utak ko na huwag ituloy. Kaya lumabas na lang kami ng building na iyon at natuwa hitsura ng Aurora Blvd. sa unang pagkakataon. Nakalabas na kami. Nakalabas kami ng buhay.

Siguro kung hindi pa kami umalais doon agad, naalok ako ng isang call boy at nalaslas siya sa leeg ng cutter ni Sid. O kaya, baka napagtripan ako ng mga lango sa marijuana doon.

Nagtingin-tingin ako sa internet tungkol sa Alta Cinema, paulit-ulit na palang na-raid iyon at ipinasara. Pero matanong lang po sa huwaran nating Quezon City Police District, bakit po nakakapag-operate pa din ang Alta? At bakit po mga longganisa at hotdog pa rin ang kalakal doon at hindi pelikula?

Pero ayos lang, wala akong masamang tinapay sa mga pokpokito at pokpokita, bilib nga ako sa kanila sa tapang nila. Kahit ang pinaka-matalinong tao sa mundo, hindi kayang gawin ang ginagawa nila.

Ang daming tanong na may sagot na, itatanong mo na lang. Bakit napakarumi ng mundo? Ang pinakamatinding polusyon wala sa kapaligiran, nasa tao. Maglibag na yung dapat maglibag.

Dahil sa pamboboso ko, naging prinsesa pa tuloy ako ng Alta. Kahit isang gabi lang.